huh!
Labanan ang walang habas na pananalanta sa kagubatan at kapaligiran

»»»> Higit na nakararami sa mga biktima ng mga biglaang pagbaha at pagguho ng lupa kamakailan ay hindi naaabot ng ayuda ng rehimeng Arroyo. Kakarampot lamang sa daan-daang libong biktima ang naambunan ng kaunting damit, noodles at delata. Gayon na lamang kung ibando ng rehimen ang relief operations nito, ngunit sa katunaya’y barya-barya lamang ang inilalaan nito para sa rehabilitasyon ng mga nasalanta. Pinasasahol pa ito ng iresponsibilidad at pagbabangayan ng mga burukrata ng reaksyunaryong gubyerno.

Ngunit higit sa kabiguan nitong tumugon sa mga pangangailangan ng mga biktima ng kalamidad, ang mas malaking krimen ng rehimeng Arroyo ay ang patuloy nitong pagtataguyod sa walang habas na pananalasa ng mga dambuhalang kumpanya ng troso at pagminang pag-aari ng malalaking burges kumprador, burukrata at dayuhang kapitalista.

Upang pahupain ang masidhing galit ng publiko sa malawakang pagkalbo sa kagubatan, iniutos ni Arroyo noong Disyembre 4 ang suspensyon ng lahat ng pagtotroso. Subalit binawi niya rin ito makalipas ang tatlong araw sa pamamagitan ng isang “kautusang nagpapahintulot sa mga pribadong plantasyon na patuloy na makapagputol ng troso.”

Hinirang niya si Gen. Victor Corpus, dating hepe ng Intelligence Service of the AFP, bilang pinuno ng isang ahensyang mangangasiwa sa reforestation, bukod sa iba pang tungkulin. Ngunit ang pagtatalaga kay Corpus ay mas nakatuon sa “counterinsurgency” kaysa pangangalaga sa kagubatan. Noong maagang bahagi ng dekada 1990, inilunsad ni Corpus ang Task Force Greening Panay na nagsilbi lamang sa mga kontra-rebolusyonaryong operasyong militar at pangangamkam ng lupa.

Walang intensyon ang reaksyunaryong rehimeng Arroyo na seryosong harapin ang pinakamalalaking dahilan ng malawakang pagkaubos ng kagubatan at pagkasira ng kalikasan: ang walang pakundangan at malakihang pagtotroso at pagmimina. Bagkus, buong-sigasig pa nga nitong sinusuportahan ang industriya ng troso at pagmimina sa pamamagitan ng pag-akit sa mga dayuhang kapitalista at malalaking burges na mamumuhunan sa pamamagitan ng liberalisasyon sa operasyon, pagmamay-ari at negosyo ng mga kumpanya ng troso at pagmimina.

Pinahihintulutan ng rehimeng Arroyo ang mga mandarambong na ito na buong-layang gahasain ang kapaligiran ng Pilipinas.

Dagdag dito, itinotodo ng rehimeng Arroyo ang implementasyon ng 1995 Philippine Mining Act.

Ineengganyo ng Mining Act ang ibayo pang pagkaubos ng kagubatan sa pagbibigay-pahintulot sa malalaking kumpanya na maghawan ng malalawak na kagubatan para sa konstruksyon ng mga kalsada at tunnel at iba pa nilang pangangailangan. Ang mga ito’y hindi obligadong sumailalim sa ebalwasyon sa pinsalang maaaring idulot ng kanilang operasyon sa kalikasan. Pinahihintulutan ang mga dayuhan na magmay-ari ng 100% ng mga kumpanya sa pagmimina at mag-uwi ng 100% ng kanilang tubo.

Ni bahagya’y hindi ikinababahala ng mga imperyalista at mga lokal nilang kasabwat ang pagkaubos ng ating kagubatan, pagkasira ng kalikasan, at ang kapahamakan ng ating mamamayan. Ang tangi nilang iniintindi ay kung paano makatatangay ng supertubo mula sa likas na kayamanan ng bansa. Mula 1972 hanggang 1988, tinatayang kumita ng $42.85-52 bilyon ang mga konsesyon sa pagtotroso.

Ginagamit nila ang burukrasya at ang militar sa aktibong pagsusulong ng kanilang interes. Nakikipagkutsaba ang malalaking kumprador-kapitalista, burukrata kapitalista, sindikato sa ismagling at matataas na upisyal militar sa mga imperyalistang Amerikano at Hapones sa walang habas na pagkalbo sa kagubatan. Ginagawa nila ito sa basbas ng gubyerno at nang walang anumang malasakit sa pambansang patrimonya ng sambayanang Pilipino.

Nakapagbubulsa ng limpak-limpak ang mga burukrata kapitalista sa pagtanggap ng suhol mula sa malalaking kumpanya ng troso. Tuwiran naman silang kumikita sa operasyon ng kani-kanyang sariling kumpanya sa pagtotroso. Malaking bahagi ng kayamanan ng mga pulitiko at warlord ay nagmumula sa pagtotroso.

Ang pinakamatataas na upisyal ng AFP at PNP, gayundin ang mga taga-Malacañang, ay kumakamal sa pagtotroso, bukod pa sa pagtutulak ng bawal na gamot, iligal na pasugal at iba pang krimen.

Ginagamit din ang militar at pulisya para hawanin ang daan para sa operasyon ng mga kumpanya ng troso at pagmimina. Niyuyurakan nila ang mga pampulitika, pang-ekonomya at pangkulturang karapatan ng mamamayan upang supilin ang paglaban.

Madalas, kasabwat ang mga upisyal ng DENR, kunwa’y kinukumpiska ng militar at pulisya ang mga iligal na troso para bigyan ito ng ligal na prente habang ibinabyahe patungo sa mga bibili nito.

Ang lumulubhang krisis pangkapaligiran ay bahagi ng lumalalim na palagiang krisis ng naghaharing sistemang malakolonyal at malapyudal. Ang pangunahing hinahagupit ng krisis na ito ay ang masang magsasaka, mangingisda at mga pambansang minorya sa kanayunan.

Ang pagkasira ng kapaligiran at likas na kayamanan ng Pilipinas ay lulubha pa habang lumalala ang krisis ng naghaharing sistema. Patuloy na pumapalya ang lokal na produksyong industriyal at agrikultural habang patuloy na umaasa ang reaksyunaryong estado sa dayuhang pamumuhunan para pasikarin ang produksyon. Malawakang nasisira ang mga lokal na produktibong pwersa habang hinahambalos ng krisis ng pandaigdigang sistemang kapitalista ang lokal na ekonomya.

Muling tumatampok ang pagkaatrasado ng malakolonyal at malapyudal na ekonomya habang malawakang winawasak ng mga lokal na nagsasamantalang uri ang mga nalalabing prontera ng pambansang patrimonya ng Pilipinas. Ang desperasyong ito ay humahantong sa todo-todong liberalisasyon ng mga patakaran kaugnay ng operasyon ng mga kumpanya ng troso at pagmimina at ng tahasang pandarambong sa kaunting nalalabing yamang gubat at mineral.

Sa harap ng mga patakaran ng rehimeng Arroyo para pag-ibayuhin ang pagtotroso at pagmimina at ng ganap na kawalang-malasakit nito sa kapaligiran, muling ipinapahayag ng Partido Komunista ng Pilipinas at ng buong rebolusyonaryong kilusan ang kanilang paninindigang labanan ang pandarambong sa pambansang patrimonya ng sambayanang Pilipino.

Ang pinakamahalagang elemento ng pakikibakang ito ay ang kolektibong pakikibaka ng mamamayan at ang kanilang mapagpasyang pagtutol sa pagtotroso at pagmiminang nagsasapanganib sa kanilang kapaligiran, kabuhayan at buhay.

Pagsisikapan ng PKP at mga rebolusyonaryong pwersa na itaas ang pag-unawa ng mamamayan sa kasaysayan ng pandarambong at paggahasa ng malalaking kumpanyang dayuhan at malalaking lokal na kumprador sa kagubatan ng Pilipinas, gayundin sa pananagutan ng rehimeng Arroyo sa pagpapatuloy ng sistematikong pananalasa sa kapaligiran. Pag-iibayuhin ng PKP ang pagsisikap na organisahin ang mamamayan at tulungan sila sa paglaban sa hungkag na reforestation programng reaksyunaryong rehimen gayundin sa panibagong kampanya para pabweluhin ang pagmimina.

Saan man kakayanin, hahadlangan ng BHB ang pagpasok ng mga kumpanya ng troso o di kaya’y mahigpit silang pasusunurin sa mga batas ng rebolusyonaryong gubyernong bayan upang masiguro ang interes ng masa sa lokalidad at ang makatwirang paggamit sa mga yamang gubat. Kagaya ng dati, sisikapin nitong parusahan ang sinumang yuyurak sa interes ng mamamayan, sisira sa kapaligiran at lalabag sa mga batas ng demokratikong gubyernong bayan. 

Ang DENR at ang pagtotroso

»»»>Sangkot sa pagtotroso ang mga dating kalihim ng DENR. Pag-aari at pinatatakbo ni Heherson Alvarez ang FCA Timber sa Nueva Vizcaya. Si Antonio Cerilles ay nagpapatakbo ng sariling kumpanya ng troso na may mga konsesyon sa mga sinaunang kagubatan sa Mindanao. Pinatakbo naman ni Fulgencio Factoran Jr., kalihim ng DENR sa ilalim ng rehimeng Aquino, kasama ang pinsan ni Aquino na si Ding Tanjuatco, ang Naredco na kumokontrol ng mga kumpanya ng troso tulad ng Acme Inc. at Taggat Industries sa rehiyon ng Cagayan Valley. 

Ang kasaysayan ng pagwasak sa kagubatan ng Pilipinas

»»»>Ang malawakang pagkalbo sa kagubatan at pagsira sa kapaligiran ay malaon nang problema. Ang pagkakalbo ng Sierra Madre at iba pang kabundukan sa Pilipinas, gayundin ang pagkawasak ng mga ilog at yamang tubig ay resulta ng laganap na pagtotroso at pagmimina noon pa mang simula ng imperyalistang pandarambong at paggahasa ng US sa ating bansa.

Sa loob ng ika-20 siglo, naglaho ang 90% ng kagubatan ng Pilipinas. Mahigit 13.2 milyong ektaryang kagubatan ang nawala bunga ng pandarambong sa nakaraang 50 taon ng papet na republika. Pinakamabilis ang pagkakalbo ng kagubatan mula 1945 hanggang katapusan ng dekada 1980.

Mula dekada 1950 hanggang dekada 1980, ang pagluluwas ng troso ay napabilang sa pinakamalalakas pagkakitaan ng dolyar at pinakamalaki ring pinagmumulan ng nakaw na yaman para sa Malacañang at mga upisyal ng mga ahensyang pangkapaligiran. Noong 1975, ang mga kumpanya ng trosong protektado ng diktadurang Marcos ay nakapagluwal ng 15.5 milyong metro kubiko ng troso, ang pinakamalaking taunang produksyon higit kailanman. Mula 1972 hanggang 1988, aabot sa 8.57 milyong ektarya ng gubat at 3.8 milyong ektarya ng virgin forest ang nawasak.

Pagsapit ng katapusan ng dekada 1980, bumagal ang pagkakalbo ng kagubatan, sa simpleng dahilang kaunting-kaunti na lamang ang natitira sa ating kagubatan. Ang kabuuang kagubatan noon ay humigit-kumulang isang milyong ektarya na lamang. Pagdating ng 1999, nasa 800,000 ektarya na lamang ang nalalabing sinaunang kagubatan (primary forest), at dalawang katlo nito ay sira na. Nagbunsod ito ng malawakang panawagang ipagbawal ang pagtotroso at maglunsad ng mga hakbangin sa reforestation

Mga pakikibaka laban sa pagtotroso

»»»> Sa simula pa lamang ng malawakang pagtotoroso, puspusan na itong nilalabanan ng mamamayan, laluna, ng mga minorya. Noong 1971, buong-giting na nilabanan ng mamamayang Higaonon sa Agusan del Norte ang NALCO (Nasipit Lumber Corporation) at ang mga bayarang maton at sundalo nito. Sa pamamagitan ng militanteng pakikibaka, pansamantala nilang napigil ang paglawak ng operasyon ng NALCO. Nagtuluy-tuloy ang kanilang pakikibaka hanggang dekada 1980 sa pagtataguyod ng pambansa-demokratikong kilusan.

Maigting ang pakikibaka ng mga Tinggian laban sa Cellophil Resources, Inc., isang kumpanya sa paggawa ng papel na pag-aari ni Hermino Disini, kroni ni Marcos. Binarikadahan nila ang kanilang mga komunidad sa Abra upang hadlangan ang pagpasok ng Cellophil.

Sa kolektibong pagsisikap ng mamamayang Subanen, napalayas ang Boise Cascade Inc. mula sa kagubatan ng Zamboanga Peninsula noong 1988. Mula pa noong 1994, nilalabanan na nila ang Toronto Ventures Inc. at Tropical Explorations Philippines Inc, mga Canadian na kumpanya ng pagmimina at ang mga pwersang militar at paramilitar na nagsisilbing pwersang panseguridad ng mga ito.

Noong 1994, nagdeklara ng pangayaw o tribal war ang mga mandirigmang Ata-Manobo ng Talaingod, Davao del Norte, laban sa pangangamkam ng Alsons Inc. sa kanilang lupain. Patuloy nilang tinututulan ang operasyon ng Alsons sa kabila ng paggamit nito ng pwersang militar.

Noong taon ding iyon, naglunsad ng mga kilos-protesta ang mamamayang B’laan upang igiit ang pagpapatigil sa operasyon ng Western Mining Corporation sa ilang bayan sa North at South Cotabato at sa Davao del Sur. Nagdeklara rin sila ng pangayaw laban sa 74th IB. Makailang beses silang nagkasagup

 

Ang rebolusyonaryong kilusan laban sa pagtotroso

»»»»Upang pagtakpan ang pananagutan nito sa patuloy na pagtataguyod ng malawakang pamumutol at pag-eeksport ng troso, isinisisi ng rehimeng Arroyo sa BHB at sa rebolusyonaryong kilusan ang pagkakalbo ng kabundukang Sierra Madre at ang dala nitong pinsala sa buhay at kabuhayan pagkatapos ng nagdaang mga bagyo. Upang siraan ang BHB, napipilitang bumaling sa tahasang kasinungalingan ang rehimeng Arroyo. Umiiwas ito sa pananagutan sa pagkamatay ng libong mamamayan at pagkawala ng kabuhayan ng daan-daang libo pa.

Sa abot na makakaya, nagsisikap ang BHB, kaisa ang masang anakpawis, na pigilin ang walang pakundangang pagwasak sa kapaligiran sa pamamagitan ng paghadlang o paglaban sa mga operasyon ng mga kumpanya ng troso at pagmimina at pagpaparusa sa mga pwersang militar na nagsisilbing pwersang panseguridad ng mga ito.

Sa katunayan, ang BHB, katuwang ang rebolusyonaryong mamamayan, ang pinakamilitante at pinakamatatag sa pakikibaka laban sa malawakang pagwasak sa kapaligiran.

Gumagawa ng mga hakbang ang PKP, BHB at rebolusyonaryong kilusan, upang balaan ang mga nagtotroso nang walang pakundangan, lisensyado man o hindi ng reaksyunaryong estado. Bilang parusa, pinagmumulta ng BHB ang mga kumpanya ng troso na lumalabag sa karapatan ng mamamayan at sa mga patakaran ng rebolusyonaryong gubyerno. Tahasan nitong pinarurusahan ang mga ayaw magwasto.

Noong dekada 1970, nagpaigting ang BHB ng mga taktikal na opensiba sa rehiyong Cordillera bilang suporta sa mga pakikibaka laban sa Cellophil at sa proyektong Chico River Dam.

Noong 1985, inilunsad ng BHB sa Cagayan Valley ang Oplan Lappat, isang kampanya upang ipagtanggol ang kagubatan laban sa pangwawasak ng mga kumpanya ng troso. Noong 1991, inilunsad ng BHB ang koordinadong kampanya upang parusahan ang mga pusakal na mandarambong ng kagubatan sa pamamagitan ng pagsira sa kagamitang pantroso ng mga ito sa Gattaran, Cagayan at Luna, Kalinga-Apayao.

Noong 1995, nagdeklara ng gera ang National Democratic Front (NDF)-Mindanao laban sa pagtotroso upang bigyan-diin ang tungkulin nitong ipagtanggol ang kagubatan. Pinakikilos ang mga rebolusyonaryong organisasyong masa upang tiyaking mahigpit na tumatalima sa mga patakaran ng rebolusyonaryong kilusan ang mga may konsesyon sa pagtotroso. Kabilang sa mga patakaran na ito ang paglimita sa bilang ng board feet na maaaring putulin, pagbabawal sa pagputol ng mga punong hindi pa magulang at pagtotroso sa mga watershed,lupaing agrikultural at lupang ninuno at pag-oobliga sa mga nagtotroso na magtanim ng kahoy at mag-ambag sa kagalingan ng mamamayan sa lugar. Sa ibang pagkakataon, sinisikap na pahintuin ang mga operasyon ng mga kumpanya ng troso.

Mula pa noong nakaraang dekada, inilunsad na ng mga rebolusyonaryong pwersa sa Southern Tagalog ang kampanya upang hikayatin ang maliliit na nagtotroso na bumalik sa pagsasaka at pag-ibayuhin ang pakikibaka para sa tunay na reporma sa lupa. Kinikilala nito ang katotohanang ang maliliit na magtotroso na tinaguriang mga “carabao logger” ay mga magsasakang napilitan lamang magtroso para ibenta sa malalaking kumpanya ng troso matapos silang mapalayas sa kanilang lupain dulot ng malawakang pagpapalit-gamit at pangangamkam ng lupa noong maagang bahagi ng dekada 1990.

Noong Disyembre 2003, sinalakay ng isang yunit ng BHB ang kampo ng Pacific Export Timber Corporation (PATECO) sa Dinapigue, Isabela. Sinunog nila ang ilang buldoser at 20 trak na kargado ng troso. Nakasagupa nila roon ang mga pwersa ng 5th ID na naggugwardya noon sa mga trak na may lulang kahoy. Noong Setyembre 2000, napahinto ng mga Pulang mandirigma ang Liberty Logging Corp. sa Jones, Isabela sa pamamagitan ng pagsunog sa lahat ng kagamitan ng kumpanya.

Sa pamamagitan ng demokratikong mga paraan, aktibong itinataguyod at isinusulong ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang agrikultura upang makabawi at magkamit ng mas malalaki pang pakinabang ang maliliit na magtotrosong naninirahan sa kagubatan na naapektuhan ng pagbabawal sa pagtotroso. Kasabay nito, tinuturuan ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon ang mga kainginero ng tamang mga paraan ng pagsasaka upang mapangalagaan ang kagubatan. 

»»»»Sa pamamagitan ng demokratikong mga paraan, aktibong itinataguyod at isinusulong ng Partido, hukbong bayan at mga rebolusyonaryong organisasyong masa ang agrikultura upang makabawi at magkamit ng mas malalaki pang pakinabang ang maliliit na magtotrosong naninirahan sa kagubatan na naapektuhan ng pagbabawal sa pagtotroso. Kasabay nito, tinuturuan ng Partido at mga rebolusyonaryong organisasyon ang mga kainginero ng tamang mga paraan ng pagsasaka upang mapangalagaan ang kagubatan.

Trahedya sa Aurora

»»»»Isa sa mga pinakagrabeng tinamaan ng kalamidad nitong Nobyembre at Oktubre ang prubinsya ng Aurora. Apat sa walong munisipalidad ng lalawigan ang lubhang nasalanta, at halos mabura sa mapa ang 11 barangay sa baybayin ng magkanugnog na mga bayan ng San Luis at Dingalan. Daan-daan ang nasawi at ilampung libo ang nawalan ng kabuhayan sa mga pagguho ng lupa at biglaang pagbaha sanhi ng apat na sunud-sunod na bagyo.

Naging matingkad na tanawin laluna sa mga baybayin ng Dingalan ang libu-libong trosong inanod nang humugos ang rumaragasang tubig mula sa kabundukan. Hindi na ito nakapagtataka dahil 247,772 ektarya o 82.6% ng buong prubinsya ay nasasaklaw ng mga konsesyon ng 10 kumpanya ng troso. Pinakamalalaki rito ang Industries Development Corporation (57,069 ektarya sa Calasag, Casiguran at Dingalan); Inter-Pacific Forest Resources Corp. (50,000 ektarya sa Dilasag); Verdant Agroforest Development Corp. (45,600 ektarya sa Dipaculao, Aurora at Nagtipunan, Quirino); Pacific Timber Export Corp. (33,454 ektarya sa Dilasag, Aurora at Dinapigue, Isabela); at Green Circle Properties and Resources Corp. (27,852 ektarya sa Dingalan).

Sa loob ng maraming dekada, ang pamilyang Ong, na nagmamay-ari ng pinakamalaking logging concession sa Aurora, ang may kontrol sa reaksyunaryong pulitika sa prubinsya. Kaalyado ng mga Ong ang dinastiyang Dy ng Isabela.

Sa loob din ng maraming dekada, litaw ang mahigpit na ugnayan ng pamilyang Ong sa pasistang militar at kapulisan at ang proteksyon na ibinibigay ng mga ito sa kanilang negosyo. Katabing-katabi lang ng Industries Development Corp. ng mga Ong ang kampo ng Philippine Army at PNP Provincial Mobile Group sa Casiguran, Aurora. Bukas na lihim din noon na di bababa sa 10% ng kapital ng mga kumpanya ng troso ang isinusuhol sa militar at pulisya ng prubinsya at 15% sa gubernador para tiyak na hindi mapakikialaman ang kanilang operasyon.

Mula noong kalagitnaan ng dekada 1980, sa pamamagitan ng kanyang pusisyon bilang senador, unti-unti nang nasapawan ng angkan ni Edgardo Angara ang mga Ong sa pagkontrol sa pulitika at ekonomya ng lalawigan. Si Angara na ngayon ang itinuturing na padrino at tagapagbigay-proteksyon sa malalaking kumpanya ng troso sa Aurora. Isa sa pinakamalapit sa kanya si Romeo Roxas, ang may-ari ng Green Circle.

Bunga ng kontrol nito sa mga kumpanya ng troso at iba pang malalaking negosyo sa Aurora, ang angkang Angara na lamang ang naghahalinhinan sa mahahalagang pwesto sa lokal na gubyerno. Ang kapatid ni Angara na si Bellaflor Angara-Castillo ang dating kongresista at kasalukuyang gubernador ng Aurora. Ang anak naman ni Angara na si Sonny ang kasalukuyang kongresman ng prubinsya. Hawak ng ilan pa nilang kamag-anak ang mga pwesto sa lokal na gubyerno ng Baler, ang kanilang bayang tinubuan.

Sa Metro Manila, abot-abot ang pagtanggi ni Edgardo Angara nang mabunyag ang naging papel ng kanyang angkan sa pagkamatay ng maraming mamamayan ng Aurora at pagkawasak ng kanilang mga ari-arian at kabuhayan. Subalit sa mismong Aurora, ni hindi makapagtimpi ang kanyang kapatid na gubernador sa pagtatanggol sa malawakang komersyal na pagtotroso at pagtutol sa total logging ban. Kakoro niya ang Malakanyang at mga upisyal ng DENR sa pagbubunton ng sisi sa maliliit at diumano’y mga iligal na magtotroso kaugnay ng nangyaring sakuna.

Mariing pinabulaanan ni Ka Martin, isang kadre ng Partido sa Aurora, na ang tinataguriang iligal na magtotroso ng gubyerno—ang mga kainginero at maliliit na negosyanteng pumuputol, naghihila, bumibili at nagluluwas ng troso ang dahilan ng malawakang pagguho ng lupa at biglaang pagbaha. “Di hamak na mas maliit,” aniya, “ang pinsalang idinudulot ng mga ito. Samantala, sa mismong pagbungkal pa lamang ng lupa para makagawa ng logging road, malalaking tipak na ng kabundukan ang tinitibag at napakarami nang puno ang pinuputol ng mga dambuhalang kumpanya ng logging.

“Kawawa ang maliliit dahil tiyak na sila na naman ang mapag-iinitan ng kampanya ng gubyerno,” ani Ka Martin. “Sa kanilang punto de bista, ang iligal ay yung walang kakayahang maglagay at makipag-areglo.”

“Pero kung tutuusin,” aniya, “walang totoong ligal. Mismong ang mga kumpanyang may pahintulot na magtroso ay sistematikong lumalabag sa batas at patakaran ng reaksyunaryong gubyerno na ginawa umano para sa kapakanan ng mamamayan at kapaligiran.” Inihalimbawa niya ang limitasyon na ipinapataw ng DENR sa bolyum ng troso na pwedeng putulin. “Nire-recycle lang ito,” aniya. “Kahit matagal nang naabot ng logger ang kanyang kota, patuloy pa rin siyang binibigyang-permiso para mag-logging.

Pinabulaanan din niya na may signipikantengreforestation na nagaganap. Kung mayroon man ay sa mga lugar na malalapit sa haywey para lang may maipakita ang kumpanya ng logging. “Malaking kalokohan ang IFMA (Integrated Forest Management Agreement),” aniya, “kung saan nagtatanim ng Gmelinaang loggers. Hindi kayang pigilin ng marupok na punong-kahoy na ito ang pagragasa ng tubig baha. Pinapatay din ng Gmelina ang iba pang puno at tanim sa paligid kaya ang totoo ay nakakapagpalala pa ito ng pagkakalbo ng mga gubat at bundok.”

“Sa aktwal, ang pinakamalaking illegal logger ay walang iba kundi ang estado,” pagdidiin ni Ka Martin, “at malina

Kilusang masa laban sa pagtotroso sa Aurora

»»»»Noong 1995, lubusang ipinagbawal ng rebolusyonaryong kilusan sa Aurora ang lahat ng komersyal na pagtotroso at maging ang pag-eeksport ng mga troso. Ginawa ito dahil sa buong Central Luzon, ang Aurora na lamang ang may makapal-kapal pang kagubatan. Ang tanging pinahintulutan ay ang pagpuputol ng kahoy na gagamitin para sa paggawa ng bahay, mwebles, mga paaralan at iba pang pangangailangan ng komunidad. Napatigil din noong 1995 sa pamamagitan ng mga pagkilos ng masa ang operasyon ng Kasibu Company, isang kumpanya ng troso na nagkaroon din ng konsesyon sa Isabela at Nueva Vizcaya. Itinigil na rin mula noon ang paniningil ng rebolusyonaryong buwis sa mga kumpanya ng troso.

Subalit matapos ang kalahating taon, napagtantong masyadong “kaliwa” ang patakarang “total logging ban”dahil ang karaniwang tinatamaan nito ay ang maliliit na magtotroso at iba pang mamamayan sa loob ng mga sonang gerilya na umaasa sa pagtotroso para mabuhay. Kadalasan din, hindi magalaw ang malalaking kumpanya ng trosong nag-oopereyt sa labas ng mga sona.

Sa gayon, taliwas ang patakaran sa makauring linya dahil sa aktwal, ang napupuruhan ay hindi yaong mga mapagsamantalang uri kundi mga uring pinagsasamantalahan.

Sa kanilang pagwawasto, binigyang-diin ng mga rebolusyonaryong pwersa ang malawakang kampanyang edukasyon, paghikayat sa masa na bumalik sa pagsasaka at pagpapatupad ng iba’t ibang anyo ng kooperasyon sa agrikultura.

Pagkilala ito sa katotohanan na hangga’t walang alternatibong ikabubuhay ang mga maralitang napipilitang kumabit sa malalaking kumpanya ng troso, hindi magtatagumpay at hindi magiging makatwiran ang absolutong pagbabawal sa komersyal na pagtotroso.

Dahil hindi pa lubusang mapawi ang pagtotroso, at para maibsan ang pagsasamantala ng malalaking kumpanya ng troso sa maliliit na magkakahoy, inoorganisa ang mamamayan para maipaglaban nila ang mas makatarungang bayad para sa kahoy na ipinagbibili nila sa mga dambuhalang kumpanya ng troso. Gayunpaman, inoobliga ang mga kainginero at maliliit na magkakahoy na magtanim ng mga durableng kahoy, mga punong namumunga at niyog para mapalitan ang pinuputol nilang mga puno.

Ipinatutupad ang kampanyang ito sa lahat ng sonang gerilya sa buong prubinsya

w itong makikita sa trahedyang naganap sa Aurora.